|
dead(ma) dead sa’yo |
Thursday, July 12, 2007 |
Hay, hindi ko alam kung bingi ka ba, bulag, busy, manhid o sadya lang talagang ayaw mo akong pansinin. Alin ba dun?
Tatlong buwan na tayong nagkikita sa mga gigs ni Mart, kadalasan sa GMA tuwing linggo at sa tatlong buwan na ‘yon, hindi ko na mabilang kung ilang beses na tayong nagkasabay sa iisang bubong (ambisyosa!). Alam mo bang sa ilang beses na ‘yon, iisang beses pa lamang tayo nagkadaupang palad? Salamat na lamang dahil bangag ako sa mga sandaling iyon at wala sa aking ulirat.
Kung bakit pa kasi sa dinami-dami ng pwede kong pagpantasyahan, eh ikaw pa. Ikaw pa na ubod ng suplado. Ikaw pa na ayaw yata talaga akong kausapin o tingnan man lang. Pakiramdam mo ba’y artista ka at kinang na kinang ang iyong bituin? O baka nama’y iniisip mong ikaw ang may-ari ng Siete?
Hay, tatlong buwan nang ganito. Tatlong buwan na tayo dito sa siete. Tatlong buwan na tayong halos linggo-linggong nagkikita sa estasyon. Tatlong buwan na tayong halos linggo-linggo na nagkakasalubong sa pasilyo. Tatlong buwan na kitang sinusundan-sundan. Sa madaling salita, tatlong buwan na’kong may gusto sa’yo. Hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi tatlo. TATLONG BUWAN! Pero ni minsa’y hindi mo pa ako pinansin, o kinausap. Kahit man lang banggitin ang pangalan ko’y di mo pa yata nagagawa sa tatlong buwan na ‘yon....
Ngayon ko lang napansin, medyo matagal-tagal na rin pala ‘yon. Hindi man lang ako napagod sa kadarasal na sana maambunan mo ako ng iyong pansin, sa kaka-research ng schedule mo, sa kakalingon sa dancefloor kapag andun kayo ng mga kagrupo mo kahit dapat ay umaariba na akong kunan ng litrato ang aking mga idolo (di bale nang magkastiff neck ako pagkatapos) at sa kakatambay sa canteen kapag kumakain ka na (di bale nang maubos ang barya ko sa kabibili ng kung anu-ano para lang magtagal doon).
Ay, ano ba naman ‘to. Nagmumukha na ba ‘kong tanga? Siguro nga. Obsess na nga rin siguro ako dahil pati hairstyle ko’y ilang beses ko nang pinalitan. Nagpapalit-palit na rin ako ng brand ng cologne, shampoo at conditioner mapansin mo lang.
Hay, tingnan mo nga naman, kahit di mo pa rin ako pinapansin, umabot pa rin sa ganito katagal ang paghihintay ko sa iyo. Ewan ko ba... desperado na yata talaga ako’ng mapagbigyan.
Nang isang araw ay... bigla ka ba namang ngumiti at kumaway! Gusto ko rin talagang ngumiti at malundag sa tuwa! Parang gusto kong magpatumbling-tumbling papasok ng building... kaya lang... yung babae pala’ng nasa likod ko ang pinansin mo. Buti na lang talaga at lumingon muna ako bago mag-react, kung hindi baka napahiya na ako at mas lalong naging katawa-tawa ang itsura ko. Baka lalong di mo na ako pansinin.
Kahit dinidedma mo pa rin ako, may gana pa rin akong alamin ang gigs mo, ang cellphone number mo, pati na rin landline number n’yo. Kahit hindi ko man makita ang pangalan mo sa inbox, napapangiti na rin ako kapag nababasa ang pangalan mo sa phonebook ng cellphone ko. Nakakapraning ano? Nakakatawa. Nakakaloka... pero... uhmm... kasi... ewan ko ba... basta... ganun lang talaga kalakas ang dating mo sa akin.
Sa totoo lang, kahit halos mag-iisang taon na akong walang boyfriend, dahil sa’yo feeling ko lahat ng love songs bagay sa’kin, lahat ng malulungkot at romantikong tula tugmang-tugma sa’kin, mga text messages tungkol sa pagmamahal ay talagang para sa akin.... para sa love story natin....
Ano ba ito? Kahit tatlong buwan na tayong ganito, hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa. Gusto kong mainis sa sarili ko pero palagi naman kitang naiisip. Nakakahiya mang sabihin pero dead na dead talaga ako sa’yo. Kahit pa dedma sa’yo ang beauty ko, sa tuwing gumigising ako, nasasabi ko pa rin sa harap ng salamin,
“hay... makita ko na naman siya ngayon...”
(salamat, peyups!) |
posted by Tiborxia @ Thursday, July 12, 2007 |
|
|
|
Videos |
|
Previous Posts |
|
Archives |
|
Links |
|
Blog Authors |
|
|